Pangulong Marcos nagbigay ng marching order sa iba’t ibang ahensya ng pamahalaan hinggil sa agarang pagtugon sa mga biktima ng lindol

Naglabas ng direktiba si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa iba’t ibang sangay ng pamahalaan para sa agarang tulong sa mga kababayan nating naapektuhan ng magnitude 6.7 na lindol na tumama sa malaking bahagi ng Northern Luzon.

Ayon kay National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) Spokesman Asec. Bernardo Rafaelito Alejandro IV, tulong- tulong ang mga kawani ng pamahalaan para agad na maipahatid ang tulong.

Aniya, mayroon ding ugnayan ang NDRRMC sa Office of the President upang maiparating sa pangulo ang mga ginagawang hakbang ng pamahalaan.


Paliwanag nito lahat ng involved na sangay ng pamahalaan ay kumikilos na kabilang dito ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Philippine National Police (PNP), Philippine Coast Guard (PCG) at Bureu of Fire Protection (BFP) para sa rescue at relief operations.

Ang Department of Public Works and Highways (DPWH) aniya ay agad na nagpadala ng team sa Abra nang sa ganon ay malinis ang mga daan mula sa mga obstructions at makapagsagawa ng agarang damage assessment.

Samantala ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa pangunguna ni Sec. Erwin Tulfo ay nagtungo na sa apektadong lugar para maghatid ng ayuda at mga shelter kit o mga tent.

Ang Department of Education (DOE) ang siyang titiyak na maisasaayos agad ang mga linya ng kuryente para maibalik na ang power supply habang ang Department of the Interior and Local Government (DILG) ang siyang mag-mo-monitor sa mga Local Government Units (LGUs) kung nagagampanan ba nila ang kanilang tungkulin at ang NDRRMC ang siyang kakalap ng lahat ng mga ulat ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan na kanila namang isusumite kay Pangulong Marcos.

Facebook Comments