Iniutos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa Department of Education (DepEd) na masustansiyang pagkain at hindi mga junk food ang ipakakain sa mga estudyante sa ipatutupad na feeding program.
Sa Malacañang Insider, sinabi ni DepEd Secretary Sonny Angara, direktiba raw ng pangulo sa kaniya na tiyaking kumpleto sa sangkap ang ibibigay sa mga estudyante para malabanan ang malnutrisyon sa bansa.
Ayon kay Angara, bagama’t nagtitipid ang gobyerno ay ibang usapin daw sabi ng pangulo ang nutrisyon ng mga bata.
Dapat ibigay aniya sa mga bata ang tamang protina at carbohydrates upang masigurong hindi gutom ang mga ito habang nag-aaral.
Dagdag pa ni Angara, kasama sa plano ng ahensya na muling magtanim ng gulay sa mga bakanteng lote ng paaralan na maaaring anihin para sa mga estudyante.
Pinag-aaralan na rin ng Department of Science and Technology (DOST) kung anong masustansiyang pagkain ang maaaring ibigay sa mga estudyante para mabawasan ang malnutrisyon at pagkabansot sa bansa.