Pangulong Marcos, pinatitiyak sa BFAR na tutukan ang pagpapataas ng produksyon ng isda

Nakabantay ngayon ang hakbang ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR sa produksyon ng pagkain.

Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni BFAR Chief Public Information Officer Nazzer Briguerra na nakatuon ang kanilang pansin ngayon sa pagpaparami ng suplay ng isda.

Ayon kay Briguerra, mahigpit ang bilin sa kanila ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na tiyaking sapat ang suplay ng isda sa palengke sa murang halaga.


Aniya pa, malaking hamon sa kanila kung papaano matutulungan ang mga mangingisda sa gitna ng walang humpay na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

Mayroon aniya silang mga programa para bigyan ng suporta ang mga mangingisda tulad ng pagpapalakas sa kanilang kapasidad sa pamamagitan ng pamimigay ng malalaking bangka para magamit nila sa mas malayong area ng karagatan at mapataas ang kanilang produksyon.

Bibigyan din aniya nila ng fingerling fish ang ibang mangingisda para may maalagaan, mapalaki at pagkakitaan.

Bukod dito, nakatuon din ang kanilang pansin sa conservation program tulad ng pagpapatupad ng closed fishing season, katuwang ang mga lokal na pamahalaan upang pangalagaan ang karagatang kanilang nasasakupan.

Sa pangkabuuan, sinabi ni Briguerra na ang lahat ng mga programa at hakbang na ito ng gobyerno ang sasagot sa hamon ng krisis sa pagkain.

Facebook Comments