Pangulong Marcos, tinawanan lang ang mga banat ni VP Sara laban sa kaniyang pamumuno

Ngiti lang at walang ano mang salita ang naging reaksyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa banat ni Vice President Sara Duterte na hindi siya marunong maging pangulo ng bansa.

Sa ika-123 anibersaryo ng Philippine Coast Guard (PCG), sinubukan ng media na kuhain ang reaksyon ng pangulo sa mga naging tirada ni VP Sara laban sa kaniya noong Biyernes.

Saglit na huminto ang pangulo nang marinig ang tanong pero tinawanan lang ito at saka umalis.


Samantala, sinubukan din ng media na kunin ang pahayag ni First Lady Liza Araneta Marcos pero hindi rin niya ito pinansin at dire-diretsong naglakad.

Ilang araw na ring tikom ang bibig ng Palasyo sa mga maaanghang na salita ni VP Sara laban sa pangulo.

Samantala, kanina ay nagsalita na ang anak ni Pangulong Marcos na si House Senior Deputy Majority Leader at Ilocos Norte Rep. Sandro Marcos kaugnay rito at tinawag na kasuklam-suklam ang mga binitawang salita ng bise presidente.

Facebook Comments