Binanatan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga pumupuna sa kanyang kampanya kontra ilegal na droga.
Inihayag niya ito sa harap ng world leaders at mga prominenteng opisyal sa Valdai International Discussion Club Sa Sochi, Russia.
Ipinunto ng pangulo na nakabatay sa saligang batas na may sariling kalayaan ang Pilipinas at malaya itong pamumunuan.
Binanggit din ng pangulo, na may ilang bansa ang bumabato ng hindi patas na kritisismo laban sa kanyang gobyerno tungkol sa laban kontra droga.
Tila aniya, mas alam pa ng mga sinasabi niyang “so-called friends” ang sagot sa mga problemang kinakaharap ng bansa.
Dagdag pa ng pangulo, gumagawa ang mga ito ng batas at panuntunan para sa lahat, pero sila pa mismo ang hindi sumusunod.
Inihalimbawa ng pangulo ang Paris Climate Change Agreement, convention on the rights of the child.
Dahil sa kanilang ginagawa, sinabi ng pangulo na humihina ang kakayahan ng gobyerno na protektahan ang mga mamamayan nito na sumusunod sa batas at nalilimitahan ang kanilang kapasidad para ihinto ang paulit-ulit na internal conflict at underdevelopment.
Binigyang diin ng pangulo na hindi niya tinitira ang Estados Unidos o ang mga kanluraning bansa, pero dapat igalang ng mga ito ang soberenya.