Nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte na hahabulin niya ang mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na sangkot sa katiwalian.
Sa kaniyang public address, titiyakin ni Pangulong Duterte na mapapanagot ang mga dawit na opisyal.
Aniya, wala siyang sasantuhin pagdating sa korapsyon.
Pinayuhan din ng Pangulo ang mga inosenteng empleyado ng PhilHealth na patuloy lang gawin ang kanilang trabaho at huwag mag-alala sa harap ng anti-corruption campaign ng pamahalaan.
Nabatid na iniimbestigahan si PhilHealth Chief Ricardo Morales at iba pang opisyal hinggil sa umano’y pagkakasangkot nila sa maanomalyang transaksyon, kabilang ang overpriced computers at iba pang kagamitan.
Mariing itinanggi ng PhilHealth ang alegasyon at sinusubukan lamang ng ilang “corrupt officials” na siraan ang modernization program ng ahensya.
Ang Pangulo ay inatasan ang Department of Justice (DOJ) na bumuo ng task group na mag-iimbestiga sa mga iregularidad sa PhilHealth at nakatutok sa pagsasagawa ng audit sa finances ng ahensya at lifestyle checks ng mga opisyal at empleyado nito.
Inaasahang makapagsusumite ang task group ng findings at recommendations nito sa Pangulo sa loob ng 30 araw.