Pangulong Rodrigo Duterte, handa na maunang magpabakuna para mawala ang takot ng publiko

Handa si Pangulong Rodrigo Duterte na maunang magpaturok ng COVID-19 vaccine sakaling dumating na ito sa bansa.

Ito ang naging tugon ng Malacanang sa pahayag ni Vice President Leni Robredo na dapat isa ang presidente sa unang matuturukan ng bakuna.

Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, hindi mag-aatubili ang Pangulo na gawin ito para mawala ang takot at alinlangan sa bakuna ng taumbayan.


Aniya, hindi imposibleng baguhin ng Pangulo ang kanyang naunang pahayag na isa siya sa huling magpapabakuna dahil uunahin ng pamahalaan ang mga kabilang sa priority list gaya ng senior, citizens, at frontliners.

Maging si Presidential Adviser for Entrepreneurship Sec. Joey Concepcion ay pabor na unang mabakunahan ang mga opisyal ng pamahalaan, partikular si Pangulong Duterte upang mas mapataas pa ang kumpiyansa ng publiko sa bakuna.

Sa interview ng RMN Manila, binigyan diin ni Concepcion na hindi lang dapat ang Pangulo at gabinete nito ang manguna sa pagpapabakuna kundi maging ang mga may-ari ng malalaking kompanya sa bansa.

Sa pamamagitan aniya nito, tataas rin ang kumpiyansa ng mga empleyado sa pribadong sektor.

Naniniwala si Concepcion na isang malawakang information drive lang ang sagot para mapataas ang kumpiyansa ng mga Pilipino at upang maabot na ng bansa ang herd immunity.

Facebook Comments