Pangulong Rodrigo Duterte – hinamong sampahan ng panibagong kaso sa United Nations Tribunal ang China

Manila, Philippines – Hinamon ni Supreme Court Senior Associate Justice Antonio Carpio si Pangulong Rodrigo Duterte na maghain ng panibagong kaso sa United Nations Tribunal laban sa China.

Kasunod ito ng umano’y pagbabanta ng China ng giyera oras na ipilit ng Pilipinas ang plano nitong oil exploration sa reed bank.

Ang lugar ay bahagi ng exclusive economic zone ng Pilipinas sa West Philippine sea na kabilang sa mga teritoryong inaangking ng China.


Ayon kay Carpio, ang ginawang pagbabanta ng China ay paglabag sa United Nations Charter, United Nations Convention on Law of the Sea at sa Treaty of Amity and Cooperation in Southeast Asia kung saan kapwa kasapi ang China at Pilipinas.

Kaugnay nito, iginiit ni Carpio na tungkulin dapat ng pangulo na protektahan ang teritoryo ng bansa sa lahat ng legal na paraan sa ilalim ng international law.

Babala pa nito, kapag hindi tinugunan ng Pilipinas ang agresibong banta ng China, posibleng tuluyang mawala ang ms marami pang teritoryo ng bansa sa West Philippine Sea.

Bukod dito, tiyak din aniyang maaapektuhan ang suplay ng kuryente sa bansa dahil ang reed bank ang nakikitang alternatibo ng Pilipinas sakaling maubos na ang natural gas sa malampaya.

Si Carpio ay miyembro ng legal team ng Pilipinas sa Permanent Court of Arbitration kung saan naipanalo ng bansa ang kasong isinampa nito laban sa China kaugnay ng West Philippine Sea dispute.
DZXL558

Facebook Comments