Hands off si Pangulong Rodrigo Duterte pagdating sa proseso ng pag-amyenda ng Saligang Batas.
Ito ang iginiit ni Deputy Speaker Rufus Rodriguez para bigyang linaw ang pahayag ng ilang senador na kailangang isumite at paaprubahan muna sa Pangulo ang isang resolusyon na nagpapa-amyenda sa Konstitusyon bago makakilos dito ang Kongreso.
Paliwanag ni Rodriguez, hindi makikisawsaw ang sinumang Pangulo ng bansa sa Cha-Cha dahil malinaw na nakasaad sa Charter na walang papel ang Presidente sa proseso ng panukala at sa ratipikasyon ng constitutional amendments.
Aniya pa, ang tangi lamang magagawa ng Pangulo ay makapang-impluwensya sa desisyon ng mga mambabatas bilang hawak nito ang pinakamataas na posisyon sa pamahalaan.
Paglilinaw pa nito, ang Kongreso bilang isang Constituent Assembly (Con-Ass), o sa pamamagitan ng Constitutional Convention (Con-Con), ang siyang may kapangyarihan na magpanukala ng mga amiyenda sa Saligang Batas.
Ang taumbayan naman aniya ang siyang may kapangyarihan para ratipikahan o ibasura ang mga proposal na nabuo ng Con-Ass o Con-Con sa pamamagitan ng isang plebesito.