Dinipensahan ni Pangulong Rodrigo Duterte si National Capital Region Police Office (NCRPO) Chief Major General Debold Sinas kasunod ng kontrobersiyal na pagsasagawa ng mañanita sa kanyang kaarawan.
Sa kaniyang televised address, sinabi ng Pangulo na hindi niya tatanggalin sa pwesto si Sinas.
Pinag-aralan din ng Pangulo ang “merits” at “demerits” ng kaso at nagdesisyon siyang huwag sibakin ang NCRPO Chief.
Aniya, mas kailangan niya si Sinas sa trabaho niya bilang hepe ng Metro Manila police.
Naniniwala ang Pangulo na mabuti at tapat na pulis si Sinas.
Dagdag pa ni Pangulong Duterte, hindi kasalanan ni Sinas kung mayroong pahanda at paharana sa kaniyang kaarawan.
Matatandaang kinasuhan si Sinas at iba pang police officers dahil sa paglabag sa quarantine protocols.
Humingi na ng paumanhin si Sinas sa insidente pero nanindigang nasunod ang social distancing sa nangyaring event.
Bukod dito, nanindigan din si Sinas na edited na ang mga kumalat na litrato ng event sa social media.