Inatasan na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga local government official na tanggapin sa mga returning Overseas Filipino Workers (OFW).
Ito ang pahayag ng Pangulo matapos malaman na ilang Filipino repatriates na nakumpleto ang testing at quarantine requirements ang hindi makauwi dahil ayaw silang papasukin ng ilang Local Government Units (LGU).
Sa kanyang public address, sinabi ng Pangulo na isang kalupitan at labag sa batas ang pagtapak sa karapatan ng taong nais umuwi sa kanilang bahay at pamilya.
Hinikayat ni Pangulong Duterte ang mga local officials na maging bukas sa pagtanggap ng mga repatriate na idineklarang ‘negatibo’ mula sa coronavirus infection.
Iginiit ni Pangulong Duterte na tanging ang National Government lamang ang maaaring magpataw ng travel restrictions.
Hindi aniya pinapayagan ang mga LGU na magdeklara ng sarili nilang pagsasara ng border, kailangan pa ring may basbas ito mula sa Inter-Agency Task Force (IATF).
Babala pa ng Pangulo, maaaring kasuhan ang mga local official kapag haharangin nila ang pag-uwi ng repatriates.
Nanawagan din ang Pangulo sa mga mayor at governors na tratuhin bilang kapwa Pilipino ang mga returning OFW.