Nababahala si Pangulong Rodrigo Duterte sa ini-ulat na misincounter kagabi ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).
Ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, nagtataka ang Pangulo kung bakit kapwa taga-gobyerno ang nagkaputukan.
Tiniyak naman ni Pangulong Duterte na magkakaroon ng patas na imbestigasyon sa nangyari at hustisya sa mga nasawi.
Paliwanag pa ni Roque, matatapos na ang pulong ni Pangulong Duterte kagabi ukol sa COVID-19 vaccine rollout nang malaman nito ang insidente.
Kumpiyansa naman ang Malakanyang na lalabas din ang katotohanan sa mga isasagawang imbestigasyon.
Kasabay nito, kinumpirma ni Surigao del Norte Representative Robert Ace Barbers na magsasagawa na rin ng hiwalay na imbestigasyon ang House Committee on Dangerous Drugs kaugnay sa misincounter ng PNP at PDEA.
Ayon kay Barbers na siyang Chairman ng komite, magdaraos sila ng pagdinig upang hindi na maulit ang kahalintulad na kaso.
Maituturing kasi aniyang ‘very unfortunate’ ang nangyaring engkwentro kung saan nasawi ang dalawang pulis at isang ahente ng PDEA.
Sa ngayon, maliban dito nanawagan na rin si Senate President Vicente Sotto III na bumuo ng Presidential Drug Enforcement Authority na tututok sa ganitong mga insidente.
Sa ilalim nito, titiyakin ng nasabing grupo na maayos na naipapatupad ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at nasusunod ang mga kautusan ng Dangerous Drugs Board (DDB).