Pangulong Rodrigo Duterte, inaakusahang cuddler at protector ng mga vaccine smugglers

Tinawag ni Gabriela Rep. Arlene Brosas na cuddler at protector ng vaccine smugglers si Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang reaksyon ay kasunod ng pagtigil ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa imbestigasyon sa mga miyembro ng Presidential Security Group (PSG) na nabakunahan ng hindi rehistradong COVID-19 vaccine at ang banta ni Pangulong Duterte na magkakagulo sa oras na ipatawag sa imbestigasyon ang mga PSG personnel.

Ayon kay Brosas, hindi aniya nakapagtataka na ang Pangulo pa ang protektor ng smuggler ng bakuna sa bansa dahil binalewala nga nito ang isyu ng 100,000 Chinese nationals na nabakunahan na rito sa loob ng bansa.


Giit pa ni Brosas, ang usapin ng pagpapalusot at paggamit ng hindi otorisadong COVID-19 vaccine ay malaking banta sa seguridad gayundin sa kalusugan ng mga Pilipino.

Samantala, nanawagan naman sina Bayan Muna Rep. Eufemia Cullamat at ACT-Teachers Rep. France Castro kay Pangulong Duterte na huwag harangin ang anumang imbestigasyon sa ginawang pagpapabakuna ng COVID-19 vaccine ng mga miyembro ng PSG.

Giit ng mga mambabatas, may kani-kaniyang trabaho ang bawat sangay ng pamahalaan at tungkulin nilang silipin ito upang malaman ang katotohanan at maalis na rin ang pagdududa ng taumbayan.

Facebook Comments