Inihayag ng Malakanyang na lalahok si Pangulong Rodrigo Duterte sa online meeting ng Asia Pacific Economic Cooperation (APEC) leaders sa darating na Biyernes, Nobyembre 20, 2020.
Ito’y sa gitna ng nangyayaring economic fallout dahil na rin sa COVID-19 pandemic kung saan ito ang magiging kauna-unahang APEC Economic Leaders’ Meeting na gagawin “virtually.”
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, ang summit para sa taong ito ay magkakaroon ng dalawang session.
Inaasahan na ilulunsad sa isasagawang forum ang bagong vision na siyang magiging gabay ng 21 Pacific Rim Economies sa mga susunod na taon base na rin sa pahayag ng host country na Malaysia.
Matatandaang, kinansela ang nakaraang summit sa Chile dahil sa marahas na protesta sa South American country habang noong nakaraang linggo naman ay lumahok si Pangulong Duterte sa virtual conference ng 37th Association of Southeast Nations (ASEAN) Summit and Related Summits.
Dito ay tinalakay ng Pangulo ang “deepening regional integration and strengthening supply chain connectivity” kung saan hinikayat niya ang mga lider ng Southeast Asian countries na makipagtulungan para matiyak na ang kanilang mga mamamayan ay magkakaroon ng access sa bakuna kontra COVID-19.