Magpapatawag ng special session si Pangulong Rodrigo Duterte para maipasa ang panukalang stimulus package para sa COVID-19 response at recovery efforts ng pamahalaan.
Ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque, sinabi sa kanya ni Finance Secretary Carlos Dominguez III na hihilingin ng Ehekutibo sa Kamara at Senado na mag-convene sa isang special session matapos na maplantsa ang mga detalye ng stimulus package.
Sa interview ng RMN Manila, sinabi ni Roque na kabilang sa mga tinatalakay sa ilalim ng Bayanihan 2 ay ang pondo para sa subsidiya para sa mga public transport, pautang para sa mga negosyante at umuwing overseas Filipino workers (OFWs) na nais magsimula ng negosyo at iba pang pagtugon sakaling patuloy na lumobo ang COVID-19 cases sa bansa.
Ang pondo para rito ay kukunin din mula sa mga perang inutang ng gobyerno.
Una nang sinabi ng Malacañang na kailangan ding maaprubahan ang Bayanihan 2 sa Kongreso para mapondohan ang testing subsidies at pagha-hire sa 50,000 contact tracers.
Matatandaang bago nag-adjourn ang sesyon ng Kongreso nitong nakaraang buwan ay hindi naipasa ang nasabing panukala na layong palawigin ang validity ng Bayanihan to Heal as One Act.