Pangulong Rodrigo Duterte, muling iginiit na ang pakikipag-kaibigan ng Pilipinas sa China ay para sa kapakinabangan ng agricultural sector ng bansa

Manila, Philippines Naging panauhing pandangal si Pangulong Rodrigo Duterte sa Kaamulan Festival sa Malaybalay, Bukidnon.

 

Sa kanyang talumpati sinabi muli ng Pangulo na ang pakikipag-ugnayan ng Pilipinas sa China ay dahil sa pakikipagkaibigan.

 

Ayon sa Pangulo, malaking tulong ito sa agrikultura lalo’t maaring mag-export ang bansa ng produkto kabilang na ang produkto ng Bukidnon na saging at pinya.

 

Kasabay nito, nanawagan ng tulong ang Pangulo sa pagdalo ni Chinese Ambassador Zhao Jinhua sa nasabing okasyon na unang tulungan ang mga taga-Bukidnon.

 

Giit pa ni Duterte, walang plano makipag-giyera ang China sa atin at hindi rin anya kakayanin ng Pilipinas na makipagsabayan sa kanilang kakayahan.

 

Pinatutsadahan naman nito ang Amerika at sinabing nang-iintriga lang ito sa isyu ng West Philippine Sea.

 

Samantala, galit na binanggit ng Pangulo ang problema sa iligal na droga sa bansa kung saan aabot na sa apat na milyon ang apektado.

 

Babala nito, hindi siya magdadalawang isip na ubusin ang mga drug lord.

 

Humingi din ito ng paumanhin at sinabing handa siyang harapin ang kahihinatnan nito pero kailangan niyang linisan ang bansa at ubusin hanggang sa kahuli-hulihang drug lord sa bansa.

 

Maging ang kurapsyon ay tatapusin niya sa kanyang administrasyon.



Facebook Comments