Iginiit ni Pangulong Rodrigo Duterte sa mga medical frontliner na rumeresponde sa COVID-19 crisis na wala nang pondo ang pamahalaan para suportahan ang mga Pilipino sa pandemya.
Nabatid na pinagbigyan ni Pangulong Duterte ang hiling ng medical community na itaas sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang Metro Manila at karatig probinsya mula August 4 hanggang August 18, 2020.
Sa kaniyang public address, sinabi ng Pangulo na bagamat suportado niya na pahabain ang lockdown para mapigilan ang pagkalat ng COVID-19 ay kinakapos na ng pera ang gobyerno para ayudahan ang mga apektadong Pilipino.
Aniya, ang pera na iginawad sa kaniya ng Kongreso ay ubos na.
Hindi na niya mapigilan ang ilan na lumabas ng kanilang bahay at maghanap-buhay.
Pinapayagan niya ang mga tao na lumabas ng kanilang bahay para makabili ng makakain sa kanilang pamilya.
Una nang sinabi ng dating National Task Force Adviser at health expert na si Dr. Anthony Leachon na kung nais ng pamahalaan na makontrol ang paglobo ng COVID-19 cases, kailangang palawigin pa ang MECQ ng isang buwan at palakasin ang healthcare capacity.