Pangulong Rodrigo Duterte, nagbantang uubusin ang mga rebelde at terorista sa Jolo, Sulu

Nagbanta si Pangulong Rodrigo Duterte sa mga rebeldeng grupo at terorista na uubusin ang mga ito kung hindi magkikipagkasundo sa pamahalaan para sa kapayapaan.

Ang babala ng Pangulo ay kasunod ng pagbisita nito kahapon sa Camp Gen. Teodulo Bautista sa Jolo, Sulu kung saan pinarangalan nito ang mga sundalong nasugatan sa kambal na pagsabog noong August 24, 2020 na ikinasawi ng 15 katao at ikinasugat ng 75 na iba pa.

Sa kanyang pahayag, binigyan diin ng Pangulong Duterte na mas lalo pa nitong palalakasin ang pwersa ng pamahalaan para durugin ang mga lawless elements.


Batid ng Pangulo na sa panahon ngayong ng pandemya, nakikisabay pa ang mga rebelde at terorista.

Kaya naman tiniyak ni Duterte na bilang isang Pilipino, ibibigay niya ang lahat ng suporta sa militar para matupad ang kanilang misyon sa Jolo na siguraduhing walang magiging kinabukasan ang mga terorista sa Pilipinas.

Una rito, personal na binisita ng Pangulo ang “ground zero” sa Jolo, Sulu para damayan ang mga naging biktima ng pagsabog.

Makikita sa larawan na ibinahagi ni Senador Bong Go, ang Pangulo na nakasuot ng face mask at hinalikan ang semento kung saan nangyari ang insidente.

Nag-alay din ang Pangulo ng mga bulaklak sa site kung saan nangyari ang twin blasts.

Facebook Comments