Pangulong Rodrigo Duterte, nagpasalamat sa mga tauhan ng PSG na nabakunahan ng hindi rehistradong gamot; listahan ng mga ito, hinihingi na ng DOH

Nagbigay-pugay at nagpasalamat si Pangulong Rodrigo Duterte sa katapatan at katapangan ng mga tauhan ng Presidential Security Group (PSG) na handang itaya ang kanilang buhay para lang siya maprotektahan.

Kasunod ito ng kontrobersiyal na pagpapabakuna ng PSG nang hindi rehistradong COVID-19 vaccine.

Ayon kay Presidential Spokesperson Sec. Harry Roque, maliwanag ang mensahe ng PSG sa kanilang pagpapabakuna na handa silang mamatay para protektahan ang Pangulo alinsunod sa kanilang mandato.


Lumilitaw rin na hindi alintana ng PSG kung sila ay makakasuhan at mapaparusahan dahil hangad nilang hindi mahawaan ang Pangulo ng COVID-19.

Samantala, hinihingi na ni Department of Health (DOH) Sec. Francisco Duque III sa Department of Defense (DND) at PSG ang listahan ng kanilang tauhan na nabakunahan ng hindi rehistradong gamot.

Paliwanag ni Duque, nagkausap na sila ni Defense Sec. Delfin Lorenzana at PSG Commander Brig. Gen. Jesus Durante at nagkasundo na bibigyan siya ng listahan ng mga nagpaturok.

Ang proseso ay tinatawag na surveillance on monitoring ng adverse events following immunization o adverse event of special interest, kung saan tututukan kung ano ang naging epekto ng gamot sa kalusugan ng nagpabakunang tauhan ng PSG.

Facebook Comments