Umapela si Pangulong Rodrigo Duterte sa China na gawing prayoridad ang Pilipinas sakaling may mabuo silang bakuna laban sa COVID-19.
Sa kaniyang ika-limang State of the Nation Address (SONA), sinabi ni Pangulong Duterte na matindi ang pangangailangan ng mga bansa para sa bakuna.
Naki-usap aniya siya kay Chinese President Xi Jinping na kapag nagkaroon na sila ng bakuna laban sa virus ay unang mabibigyan nito ay ang Pilipinas.
Bukod dito, humiling din si Pangulong Duterte kay President Xi na bigyan ang Pilipinas ng credit sakaling kailangang bilhin ang bakuna.
Hindi naman binanggit ng Pangulo kung ano ang naging tugon ng Chinese leader hinggil dito.
Sa ngayon, ang dalawang advanced Coronavirus vaccines ng Chinese firms ang pumasa sa phase 3 trials o large-scale testing sa tao, at ito ang huling hakbang bago ang regulatory approval.
Ang ikatlong experimental vaccine ay nasa phase 3 na dinevelop ng Oxford University sa Britanya at pharmaceutical firm na AstraZeneca.