Binasag na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang kanyang pananahimik hinggil sa girian sa House Speakership.
Matatandaang naghain ng mosyon si House Speaker Alan Peter Cayetano na tapusin ang debates at amendments para sa House Bill No. 7727 o proposed 2021 General Appropriations Bill (GAB) kung saan naaprubahan ito sa ikalawang pagbasa lamang.
Sa kanyang public address, pinagsabihan niya sina House Speaker Alan Peter Cayetano at Marinduque Representative Lord Allan Velasco na resolbahin ang problema dahil kung hindi ay siya na mismo ang tatapos dito.
“I’m just appealing to you. Gusto ko lang sabihin in one straight statement: Either you resolve the issue sa impasse ninyo diyan and pass the budget legally and constitutionally. ‘Pag hindi ninyo ginawa, ako ang gagawa para sa inyo,” ani Pangulong Duterte.
“Hindi ako nananakot… Basta sinasabi ko lang, if you do not solve the problem, then I will solve the problem for you. Mamili kayo,” dagdag ni Pangulong Duterte.
Pinayuhan din ni Pangulong Duterte ang Mababang Kapulungan na huwag siyang idamay sa kanilang gusot na siyang magpapaantala sa pagpasa sa ₱4.5 trillion 2021 national budget.
“Gusto kong maganda ‘yong administrasyon ko sana, kung kaya ko rin. Kung kaya kong pagandahin. Pero ‘wag na ninyo akong idamay sa away ninyo,” sabi ni Pangulong Duterte.
“‘Wag naman sana ninyong sobrahan ang laro sa Congress na ‘yong budget mismo ang nalagay sa alanganin,” dagdag pa ng Pangulo.
Iginiit ni Pangulong Duterte na mayroong malaking problema ang kailangang kaharapin at ito ang COVID-19 pandemic.
Hindi nagbigay ng deadline si Pangulong Duterte sa Kamara para resolbahin ang kanilang problema basta maipasa ang budget sa tamang oras.
“If and when I see that there will be a delay and it will result in the derailment of government service, I will, I said, solve the problem for you… Keep that in mind and we will see in the next few days if there is really something that we can hope for. ‘Pag wala, then I will do my thing,” sabi ni Pangulong Duterte.
Nakatakdang linawin ng Malacañang ang ibig sabihin ng pahayag ni Pangulong Duterte na siya na ang reresolba ng isyu sa Kamara.