Kinumpirma ng Philippine National Police (PNP) ang pagkakaaresto ng primary gunman sa pagpatay sa radio broadcaster na si Juan “DJ Johnny” Jumalon.
Ayon kay PNP Public Information Office Chief Col. Jean Fajardo, naaresto ang suspek na si Julito Mangumpit alyas Ricky sa Dipolog City kaninang 3:10 am ng pinagsanib na pwersa ng Misamis Occidental at Zamboanga Del Norte PNP sa bisa ng warrant of arrest sa kasong murder.
Bukod sa pagpatay kay Jumalon, mayroon pang walong outstanding warrant of arrest ang suspek sa mga kasong murder, frustrated murder, direct assault at paglabag sa RA 9165.
Maaalalang noong Marso ay naaaresto na rin ang dalawang kasamahan ni Mangumpit ang magpinsan na sina Boboy Sagaray Bongcawel aka, ‘Boboy’ at Renante Saja Bongcawel, aka, ‘Inteng.’
Sabi ni Fajardo, ang tatlo ay pawang kasapi ng gun for hire group.
Sa pagkakahuli kay Mangumpit ay accounted for na ang lahat ng suspek sa brutal na krimen, para mapanagot sa batas.
Si Jumalon ay binaril at pinatay noong November 5, 2023 habang nagpo-programa sa radyo at naka-livestream sa kanyang bahay sa bayan ng Calamba sa Misamis Occidental.