Pangunahing suspek sa Samal kidnapping, naaresto na

Naaresto na ng mga awtoridad ang pangunahing suspek sa nangyaring pagdukot sa Samal Island.

Matatandaang nangyari ang kidnapping noong 2015 kung saan ang mga bihag ay kinabibilangan ng Canadians na sina John Ridsdel at Robert Hall, Norweigian na si Kjartan Sekkingstad at ang Pilipina na si Marites Flor.

Sina Ridsdel at Hall ay pinatay ng mga bandido matapos mabigo ang mga pamilya nito na makamit ang hinihinging ransom.


Pinalaya si Flor noong Hunyo 2016 habang pinalaya si Sekkingstad matapos ang tatlong buwan.

Ayon kay PNP Chief Police General Debold Sinas, kinilala ang suspek na si Jehan Aklul, alyas “Khalid Akhalul” o “Abu Khalid,” na inaresto sa kanyang tinitirhan sa Maynila madaling araw nitong Huwebes.

Si Aklul ay subject sa arrest warrant ng Panabo City Regional Trial Court hinggil sa kasong kidnapping with homicide.

Bukod dito, inaresto rin si Mohammad Amara Muslimin dahil sa possession ng explosives.

Facebook Comments