Pumalag ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa ulat na kabilang ang Pilipinas sa kulelat pagdating sa work/life balance.
Ayon kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, hindi nila alam ang paraan na ginamit ng Remote para sa kanilang Global Life-Work Balance Index 2024 kung saan pang-59 ang bansa mula sa 60 na bansang mataas ang gross domestic product o GDP.
Kung pagbabatayan aniya ang matrix na ginamit ay kulang ito dahil maraming batayan na mas lamang pa nga ang Pilipinas.
Ipinunto ng kalihim ang ilang pinagbasehan ng report gaya ng sahod, healthcare system at mga paid leave.
Sabi ni Laguesma, meron tayong umiiral na universal healthcare system, mas maraming maternity leave na nasa 105 araw kumpara sa posibleng pinagbasehan na 60 days lamang at iba pang benepisyo gaya ng SSS at GSIS sick leave benefits.
Pagdating naman aniya sa isyu ng mas mababang sahod, kinuwestiyon ni Laguesma kung bakit may ibang bansang mas mataas pa sa Pilipinas ang ranking pero mas mababa naman ang score pagdating sa sahod.
Una nang sinabi ng labor leader na si Ka Leody de Guzman na mababa ang work/life balance ng Pilipinas dahil marami ang napipilitang mag-overtime bunsod ng maliit na pasahod sa bansa.