Cauayan City, Isabela- Pangungulila sa pamilya ang nakikitang dahilan ngayon ng pulisya sa pagpapatiwakal ng isang bagong inhinyero sa loob mismo ng kanyang boarding house sa Brgy. Magsaysay, Naguilian, Isabela.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay P/Capt Maryjane Sibbaluca, OIC ng PNP Naguilian, base sa kanilang mga nabasang pag-uusap sa cellphone ng biktima sa pamilya nito ay sinasabi nito na problema niya ang kanyang trabaho at hindi kayang malayo sa kanyang pamilya.
Ayon pa kay P/Capt Sibbaluca, tatlong (3) araw pa lamang na na-assign sa isang pribadong kumpanya sa Lungsod ng Ilagan si Engr. Jersohwin Masaoay, 23 anyos, binata at residente ng Baguio City.
Batay naman sa pahayag ng co-worker ng biktima na si Jenester Fernandez ay inakala lamang umano nito na nagdadasal ang biktima nang makitang nakaluhod sa sahig subalit nang mapansin na hindi na ito gumagalaw ay agad itong humingi ng saklolo.
Naisugod pa sa ospital ang biktima subalit idineklara din itong dead on arrival (DOA).
Kinumpirma naman ng attending physician na positibong nagpakamatay ang biktima gamit ang nylon rope ng kanyang duyan.
Dagdag pa ni P/Capt Sibbaluca na makikipag-ugnayan ang kanilang himpilan sa pinagta-trabahuang kumpanya ng biktima kaugnay sa nangyaring insidente.