Hindi na bago ang pangungutang ng gobyerno ng Pilipinas sa ibang bansa.
Ito ang nilinaw ni Rizal Commercial Banking Corporation (RCBC) Chief Economist Michael Ricafort kasunod ng pinakabagong utang ng bansa sa pamamagitan ng dollar-denominated bond sale na aabot sa US$2 billion o katumbas ng P117.3 billion.
Paliwanag ni Ricafort, hindi kasi pwede na isa lang ang borrowing source ng bansa dahil kailangan din itong balansehin ng gobyerno.
Aniya, kinakailangang mangutang ng gobyerno upang mapondohan ang mga proyekto nito lalo ngayon na hindi sapat ang nakokolekta nating buwis dahil sa pagsasara ng maraming negosyo nitong pandemya.
“Taon-taon po talaga, humihiram ang gobyerno sa abroad kasi ta-timing-an lang po talaga. Dapat kasi yung pinagkukuhanan po ng pondo ng gobyerno kapag humihiram siya, yung tawag dun, diversify. Hindi lang puro local, meron ding foreign,” ani Ricafort sa interview ng DZXL 558 RMN Manila.
“Pwedeng yung panggastos ng gobyerno, yung nakokolekta po sa mga tax. E syempre, yung makokolekta niya minus yung gastusin ng gobyerno. Syempre, napakaraming gastusin ng gobyerno sa iba-ibang ahensya, so minsan, kinakapos kaya kailangang humiram ng gobyerno. In so many years, may budget deficit, kaya nga kailangang paigtingin yung collection ng taxes,” dagdag niya.
Pero ayon sa ekonomista, kahit tumaas ang borrowing cost dahil sa epekto ng pandemya at ng inflation, napanatili naman ng Pilipinas ang mababang interes ng mga nagpapautang sa bansa dahil sa maganda nating credit rating.
“So far, na-maintain naman po yung favorable na credit ratings natin na investment rate. Ang international standard is 60% [GDP]. E nag-pandemya, syempre may mga lockdown nabawasan yung koleksyon ng tax, magastos din po sa gobyerno kasi yung mga COVID program, yung mga ayuda, so lumobo rin po yung utang. Pero kasi, napakaraming bansa po sa buong mundo yung nasa ganong sitwasyon din e. Ang kakaiba lang po sa Pilipinas e nanggaling po tayo sa medyo magandang fiscal performance bago nag-pandemic.”
Samantala, para kay Ricafort, masyado pang maaga para bigyan ng grado si Pangulong Bongbong Marcos sa naging pagtugon nito sa mga problema sa ekonomiya ng bansa pero naniniwala siyang nasa tamang direksyon ang pangulo.