Inihirit ni Senator Imee Marcos na pabilisin na ang pagpapalit sa nagsarang pension fund para sa mga military at uniformed personnel na dati ay may kontribusyong kinakaltas sa kanilang sweldo para kumita ng interes na hindi natatapatan ng mga bangko.
Ayon kay Marcos, partikular dito ang Retirement and Separation Benefits System (RSBS) na hindi pa rin napapalitan, kahit tumigil na ito sa pagkolekta ng kontribusyon ng mga miyembro mula nang magsara noong 2016 dahil sa hindi maayos na pamamalakad.
Para makapagtayo ng panibagong pension fund, hinimok ni Marcos ang mga nangangasiwa sa RSBS na ibenta na ang lahat ng pag-aari nito, na dapat ay tinapos na noong Abril ayon sa itinakdang limang-taong ‘timeline’ matapos magsara.
Hinggil dito ay pinapa-imbestigahan din ni Marcos sa Senate Committee On National Defense and Security ang pinansyal na kalagayan ng RSBS at ang kakayahan nitong mag-refund o magbalik ng kontribusyon ng kanilang miyembro.
Binanggit ni Marcos na natuklasan ng Commission on Audit (COA) ang labis na pagdeklara ng RSBS sa halaga ng kabuuang pag-aari nito na umabot sa P2.54 billion at P2.63 billion sa loob ng dalawang taon bago ito tumigil sa operasyon.
Paliwanag pa ni Marcos, natuklasan din ng COA na malabo ang pagkalkula ng RSBS sa kabuuang kontribusyon ng mga myembro nito na may kwestyonableng balanse na P10.24 billion noong 2017 at P9.26 billion noong 2018.