Siniguro ni Health Assistant Secretary Ma. Rosario Vergeire, na sumailalim na sa 14-day quarantine period ang mga Pilipinong sakay ng MV Diamond Princess sa Japan.
Ang 400 Filipino crew members at passenger’s ng nasabing cruise ship ay posibleng irepatriate sa susunod na linggo.
Ito na ang ikalawang batch ng mga Pinoy na iuuwi sa bansa mula sa COVID-19 affected areas kung saan ang unang batch ay mula sa Wuhan, China pero ang mga ito ay nag negatibo mula sa nasabing sakit.
Ayon kay Vergeire, pagkadating ng mga ito sa bansa ay dederecho sila sa Athlete’s Village sa New Clark City para sa panibagong 14-day quarantine period.
Sa kasalukuyan, pinaplantsa na lamang ang pagpapauwi sa 400 Pinoy kabilang ang pagkuha ng clearance at permits, land transfer at ang kanilang sasakyang chartered flights.
Nabatid na umaabot na sa 59 ang bilang ng mga Pilipinong sakay ng Diamond Princess cruise ship ang nagpositibo sa COVID-19.
Sa nasabing bilang 2 dito ang na-discharge na sa ospital matapos gumaling at may 5 iba pa ang inaasahang mailalabas ng ospital sa loob ng linggong ito.