Panibagong 159 na show cause order laban sa mga kandidatong sangkot sa premature campaign, inilabas ng COMELEC

Patuloy ang pagdagsa ng reklamo sa Commission on Elections (COMELEC), dahil sa premature campaigning at iba pang paglabag sa Barangay at Sangguniang Kabataan Elections (BSKE).

Sa pinakahuling datos ng COMELEC, umaabot na sa 159 ang bagong show cause order na kanilang ipinalabas laban sa premature campaigning.

Sa kabuuan, nitong September 18, 2023 ay nasa 896 show cause orders na ang nailalabas ng komisyon.


Ayon kay COMELEC Chairman George Erwin Garcia, may mga kandidato na ring nakapagsumite ng mga paliwanag, ngunit hindi pa nila natutukoy ang eksaktong bilang ng mga tumugon sa show cause order ng Comelec.

Dagdag pa ni Garcia, na may 215 na petition na rin na idinulog sa COMELEC, at sa bilang na ito ay nasa 16 ang humihiling na ideklarang nuisance ang mga kandidato; habang 96 na petition ay naglalayong kanselahin ang certificate of candidacies (COCs); at 46 ang pinapadiskuwalipika ang mga kandidato at iba pa.

Tiniyak naman ng poll body, na patuloy nilang pag-aaralan ang mga reklamo upang maaksyunan ang mga ito, at bago sumapit ang October 30 ay may maparurusahang kandidato dahil sa hindi pagsunod sa election laws.

Facebook Comments