Ipinabatid ng Department of Foreign Affairs (DFA) na mariing kinokondena ng Pilipinas ang kamakailang paglunsad ng ballistic missile ng North Korea, at binigyang-diin ang destabilizing na epekto nito sa rehiyon.
Iginiit umano ng pamahalaan na ang mga naturang aksyon ay pumukaw ng tensyon at humahadlang sa pag-unlad ng ekonomiya, kapayapaan, at katatagan sa Korean Peninsula at sa mas malawak na rehiyon ng Indo-Pacific.
Sa isang pahayag, muling nanawagan ang Pilipinas sa Democratic People’s Republic of Korea (DPRK) na sumunod sa mga internasyonal na obligasyon at mga kaugnay na resolusyon ng United Nations Security Council.
Hinimok din ng pamahalaan ang North Korea na makiisa sa constructive at mapayapang pakikipag-diyalogo sa Republika ng Korea.
Patuloy rin umanong susuporta ang bansa sa panawagan para sa denuclearization ng DPRK o pagbabawal sa paggamit ng mga nuclear na armas, at tiniyak ang pagsulong ng kapayapaan at seguridad sa rehiyon.