Pinakikilos ni Deputy Minority Leader at Bayan Muna Partylist Representative Carlos Isagani Zarate ang Kamara para maiwasan ang panibagong pagsirit sa singil sa kuryente ng Meralco matapos na isailalim kamakailan ang Metro Manila sa Enhanced Community Quarantine (ECQ).
Hiniling ni Zarate na magtakda na ng araw para imbestigahan ang resolusyong inihain kaugnay sa electric bill shock noong nakaraang taon.
Ayon kay Zarate, may panibago na naman kasing abiso ang Meralco na magtataas ng singil sa kuryente ngayong buwan ng Abril.
Naniniwala si Zarate na kung pababayaan na lamang ang power rate increase noong nakaraang taon ay posibleng maranasan na naman ng publiko ang electric bill shock ngayong katatapos lamang ng ikalawang ECQ at ngayo’y nasa modified ECQ na ang buong NCR.
Giit ng kongresista, marami pa sa mga mahihirap ang hindi pa nakababayad sa nakaraang taong electric bill shock at naputulan na rin ng linya ng kuryente ang marami, ngayon naman ay nagbabadya muli ang panibagong dagdag singil.
Kasabay nito ay muling hinimok ni Zarate ang Meralco na palampasin na ang singil sa kuryente lalo na sa mga mahihirap noong panahon ng mahigpit na lockdown dahil malaking tulong ito sa mga consumers na nabibigatan na sa idinudulot ng health crisis.