Panibagong batch ng distress OFWs, ligtas na nakabalik ng bansa

Ligtas na nakauwi ang panibagong batch na mga kababayan nating OFWs ang na-repatriate ng pamahalaan mula Jeddah, Saudi Arabia.

Sakay ang naturang mga Pinoy ng Saudia Flight SV870 na lumapag sa NAIA Terminal 1.

Ayon sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA), bahagi pa rin ito ng tuloy-tuloy na repatriation assistance ng pamahalaan.

Binubuo ang grupo ng 11 kababaihan at 8 kalalakihan na humingi ng tulong para makauwi sa bansa dahil sa iba’t ibang kadahilanan, kabilang ang mga labor-related cases, welfare issues, at humanitarian concerns.

Sinalubong sila ng mga kinatawan mula sa OWWA katuwang ang Manila International Airport Authority (MIAA) Medical Team upang masiguro ang kanilang kaligtasan at pangangailangan.

Samantala, agad namang inabot ng pamahalaan sa mga OFW ang financial assistance, transport support, at hotel accommodation habang inihahanda ang kanilang pag-uwi sa kani-kanilang mga probinsya at pamilya.

Facebook Comments