Nagbabala ang Department of Justice (DOJ) laban sa mga illegal alien sa Pilipinas na sangkot pa sa mga iligal na aktibidad.
Ito ay matapos makatanggap ng panibagong set ng mga kaso ang DOJ kaugnay sa mga abusadong Chinese nationals na sangkot sa prostitution at scam hub sa Pasay City na sinalakay noong Oktubre ng nakaraang taon.
Sa walong pahinang complaint affidavit, nagsampa ng kasong serious illegal detention at paglabag sa anti-trafficking laws ang Philippine National Police – Luzon Field Unit – Women and Children Protection Center (PNP-LFU-WCPC) sa tanggapan ng DOJ.
Matatandaang nalansag ng pinagsamang pwersa ng DOJ-Inter-Agency Council Against Trafficking, PNP, Department of Social Welfare and Development (DSWD) at PAGCOR ang Smart Web Technology Corporation sa Pasay City na ino-operate ng mga Chinese nationals na kinasuhan.
Ayon kay Remulla, bagama’t welcome sa Pilipinas ang mga dayuhan ay hindi ito daan para mang-abuso sila at samantalahin ang pagiging mabubuti ng mga Pilipino.
Ito na ang ikatlong bugso ng mga Chinese nationals na kinasuhan dahil sa operasyon ng mga prostitution hub.