Muling magpalalaya ng panibagong batch ng mga preso o Persons Deprived of Liberty ang Department of Justice (DOJ), Public Attorney’s Office (PAO), Bureau of Corrections (BuCor) at Boards of Pardon and Parole ngayong Oktubre.
Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni PAO Chief Atty. Persida Acosta na positibo siyang sa October 25 ay mangyayari ito.
Anya, makakalaya ang mga ito sa bisa ng parole dahil na rin sa good conduct time allowance ng mga ito habang ang iba ay pinawalang sala ng hukuman.
Kabilang aniya sa inaasahang mapapalaya ay ang mga presong may edad na.
Tuloy-tuloy rin aniya ang ginagawang pagpapalaya ng preso ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) araw-araw.
Sa pamamagitan nito, sinabi ni Acosta na mas dadami ang mapapalayang PDLs at mapaluluwag na ang mga kulungan.
Samantala, sinabi ni Acosta na sa ngayon ay pinag-aaralan nila ang rekomendasyon kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., para sa pagbibigay ng executive clemency sa higit 300 PDLs.
Kung matatandaan, may nauna nang 350 PDLs na pinalaya ang BuCor noong isang buwan mula sa New Bilibid Prison at iba pang bilangguan sa bansa.