Panibagong cash assistance sa mahihirap na pamilyang Pilipino, welcome sa IBON Foundation; Dagdag-sahod, inihirit

Welcome sa isang grupo ang plano ng Marcos administration na magbigay ng panibagong cash assistance sa mahihirap na pamilyang Pilipino.

Ayon kay IBON Foundation Executive Secretary Sonny Africa, kailangang-kailangan ng mahihirap nating kababayan ng ayuda upang maibsan ang epekto ng mataas na inflation rate.

Gayunman, hindi raw nila nagustuhan na tila pinalalabas ni Finance Secretary Benjamin Diokno na bagong programa ito ng pamahalaan.


Kung tutuusin aniya, ang pondo para sa bagong cash assistance ay posibleng bahagi lamang din ng pondo sa Targeted Cash Transfer (TCT) program na pinutol ng gobyerno noong nakaraang taon.

Sa ilalim ng TCT program na inaprubahan ng dating administrasyong Duterte, 12.4 milyong “poorest of the poor” ang target na mabigyan ng P500 cash grants kada buwan o P3,000 ayuda sa loob ng anim na buwan.

“12.4 million dapat ang nabigyan ng tulong, tatlong libong piso, ang nangyari, nung siyam na milyong Pilipino ang nakatanggap ng dalawang libo, pinutol na. So, kumbaga may natulungan [pero] hindi pa lahat at yung nabigyan ng tulong ay kulang pa dun sa pinangako,” ani Africa sa panayam ng DZXL.

“Syempre natuwa naman kami na finally, yung matagal na naming hinihingi na ayuda… pero, medyo nakakainis yung pinapalabas na parang bagong program ‘to pero hindi e. Ito yung balanse ng pera na dapat nung nakaraan pa nila binigay.”

Sa panibagong cash assistance, 9.3 milyong mahihirap na pamilyang Pilipino ang makatatanggap ng isang libong pisong ayuda na hahatiin sa loob ng dalawang buwan.

Bukod sa ayuda, muli ring iginiit ni Africa ang kahalagahan ng pagbibigay ng umento sa sahod.

“Sa huling kwenta ng IBON, ang kailangan ng isang pamilya ng lima [miyembro], yung family living wage, dapat P1,161 e. Halimbawa sa Metro Manila, P570 lang ang binibigay, napakalaki ng agwat ng natatanggap nila dun sa aktwal na pangangailangan nila,” punto ni Africa.

“Gusto naming linawin din, yung sinasabi na mahihirapan ang mga negosyante, ang tingin namin diyan, siguro kailangang ipakita ng mga negosyo kung talagang hindi nila kaya. Sa aming huling kwenta, as of 2020, kasagsagan pa ng krisis na ‘to, mahigit kalahati ng mga negosyo, kayang-kayang magbigay ng malaking umento na hindi naman actually ganon kalakihan ang bawas sa kanilang kita. So, yung pinakamahihirapan lang po yung mga micro enterprises,” dagdag niya.

Facebook Comments