Nagbabala ang mga eksperto ng posibleng pagsipa muli ng mga kaso ng COVID-19 pagsapit ng Abril o Mayo.
Ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David, ito ay kung hindi mag-iingat ang publiko at hindi magpapabakuna.
Aniya, bagama’t maaari nang sabihin na nalagpasan na ng bansa ang pinakamalalang epekto ng pandemya ay maaari pa rin itong magbago.
Maaari ring magdulot ng panibagong surge ang pag-usbong ng mga bagong COVID-19 variants, kabiguan ng publiko na sumunod sa minimum health standards, magsasagawa ng malalaking pagtitipon gaya ng mga campaign rally at bumababang immunity.
Sa kabila, inaasahan ng OCTA na bababa pa sa 500 kada araw ang maitatalang bagong kaso ng COVID-19 pagsapit ng katapusan ng Marso.
Kahapon, nasa 941 na lamang ang naitalang bagong kaso ng sakit sa bansa habang bumaba na rin sa 3.8% ang positivity rate.
Pero giit ni David, hindi pa maikokonsiderang “endemic” ang COVID-19 situation sa Pilipinas dahil patuloy pang tumataas ang mga kaso sa ibang teritoryo gaya ng katabi natin na Hong Kong at South Korea.