Panibagong COVID-19 surge, posible kung hindi na susundin ng publiko ang health protocols – OCTA Research Group

Nagbabala ang OCTA Research Group na maaari tayong maharap sa panibagong COVID-19 surge kung hindi na susundin ang mga umiiral na health protocols.

Ayon kay Dr. Guido David ng OCTA, malaking bagay rin ang pagpapatuloy ng bakunahan lalo na ng booster shots sa mga nakakumpleto na ng primary doses.

Kasunod nito, sinabi ni David na posibleng magkaroon ulit ng surge ng COVID-19 sa susunod na buwan hanggang sa Mayo kung hindi na mag-iingat ang publiko lalo na sa mga campaign rallies.


Sa kabila niyan, kumpiyansa si David na bababa pa sa 500 kada araw ang mga bagong kaso ng COVID-19 pagsapit ng kalagitnaan ng Marso.

Hindi pa rin aniya dapat ikonsidera ang COVID bilang endemic lalo na’t sa ibang bansa ay nararanasan pa rin ang pagsipa ng mga kaso partikular sa Hong Kong at South Korea.

Sa ngayon, nasa ilalim ng Alert Level 1 ang National Capital Region at 38 pang lugar sa bansa.

Samantala, kahapon ay nakapagtala pa ang Department of Health ng 870 na bagong kaso ng COVID-19 habang 1,433 ang gumaling kung kaya’t bumaba pa sa 48,793 ang active cases sa bansa pero 144 naman ang panibagong naitalang pumanaw.

Facebook Comments