Nagbabala si Committee on Economic Affairs Chairperson Senador Imee Marcos na mahihirapan ang mga Pinoy sa bansa at ang mga nasa abroad sa kanilang mga transaksyong pampinansyal.
Ayon kay Marcos, ito ay kapag nagdesisyon ang Paris based-Financial Action Task Force o FATF sa buwang ito na ideklarang hindi sapat ang ginawa ng Pilipinas para masugpo ang money laundering.
Giit ni Marcos, dapat pakinggan ng mga mambabatas ang panawagan ni Pangulong Rodrigo Duterte nitong weekend na amyendahan agad ang Anti-Money Laundering Act o AMLA lalo’t tatapusin na ng FATF ngayong Oktubre ang isang taong observation period sa pagsusuri sa Pilipinas.
Paliwanag ni Marcos, maaaring magdesisyon ang international banks na higpitan ang mga Pinoy at hingan ng mas maraming identity check at mga dokumento o maaaring magpatupad ng mas mataas na transaction rates sa mga remittance.
Diin ni Marcos, magdudulot ito ng mas mataas na gastos at pagka-antala ng mga money transfer na makakaapekto sa gastusin sa araw-araw na pamumuhay at edukasyon ng pamilya ng mga OFWs na nasa gitna ng COVID-19 pandemic.
Dagdag pa ni Marcos, mababawasan din ang tiwala sa bansa ng mga investor at mga lender o nagpapautang at maaari ding mabawasan ang foreign currency reserve ng bansa.