Inihayag ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na magpapalabas siya nang panibagong Executive Order (EO) para sa maayos na Mandanas ruling para mas mapalakas ang koordinasyon at partnership sa pagitan ng local at national government.
Sinabi ng pangulo ang pahayag na ito sa isinagawang 4th General Assembly of the League of Provinces of the Philippines sa Clark, Pampanga ngayong araw.
Ayon sa pangulo, sa ngayon ay nagpapatuloy ang kanilang ginagawang pagtatanong, konsultasyon para makabuo nang mas magandang executive order bago matapos ang taong ito para sa maayos na implementasyon ng Mandanas-Garcia Ruling.
Una nang ipinagpaliban ni Pangulong Marcos ng isang taon ang pagpapatupad ng EO No. 138, para suportahan ang maayos na implementasyon ng SC ruling at mapalakas ang autonomy ng LGUs.
Sa pagpapaliban ng EO, inutos din ng pangulo ang full devolution ng ilang functions ng executive branch para sa LGUs.
Pero may ilang LGUs ang umaming wala silang kakayahang gawin ang ilang functions inililipat ng Executive branch sa kanila.
Kaya naman tiniyak ng pangulo sa local officials na ipagpapatuloy ang pagpapalitang ideya at titingnan ang practical considerations.
Naniniwala ang pangulo na kakayanin ng local government officials ang panibagong functions iniaatang sa kanila batay na rin sa Mandanas ruling.