Ibinasura ng Anti-Graft Court ang panibagong forfeiture case ng pamilyang Marcos.
Sa inilabas na desisyon ng Sandiganbayan 4th Division na pirmado nila Chairperson Alex Quiroz, at Associate Justices Maria Theresa Mendoza-Arcega at Maryann Corpus-Mañalac, dini-dismiss ng korte ang ₱200 Billion civil forfeiture case na inihain laban sa dating first lady Imelda Marcos at sa mga anak nito na sina dating Senator Bongbong Marcos at Irene Marcos.
Ito ay dahil nabigo ang prosekusyon na patunayan ang alegasyon ng mga nakaw na yaman ng pamilyang Marcos.
Ang kaso ay inihain ng Presidential Commission on Good Government (PCGG) noong 1987 para mabawi ang mga ninakaw na pondo at mga iligal na yaman ng rehimeng Marcos.
Kabilang sa mga illegally-acquired assets ng pamilyang Marcos ay ang ₱976 Million deposits sa Security at Trust Bank, ₱711 Million deposit sa Traders Royal Bank, 33 parcels ng residential properties na may halagang ₱18 Million, ₱33 Million agricultural land sa Leyte, ₱1.6 Billion stocks sa PLDT, $292 Million deposits sa iba’t ibang bangko sa Estados Unidos, $98 Million na investment sa industrial at mining corps sa US at mga hindi pa matukoy na halaga na mga properties sa New York, London, Hawaii, Beverly Hills, California at Mississippi.