Panibagong harassment ng China sa bansa, direktang paglabag sa International Maritime Law

Tinawag ng ilang senador na tahasang pagbalewala sa international maritime law ang panibagong insidente ng pangha-harass ng China sa BRP Datu Sanday na lulan ang mga tauhan ng Bureau of Aquatic Resources and Fisheries (BFAR) habang naglalayag sa Hasa-Hasa Shoal papuntang Escoda Shoal.

Ayon kay Senator Migz Zubiri, paulit-ulit na lamang ang kabastusan ng China at hindi nito tinutupad ang hindi na pagsasagawa ng mga pagatake sa ating mga barko.

Aniya, ito ay simple at klarong pagtatraydor ng China sa kasunduan sa bansa.


Giit pa ni Zubiri, mas lalong nakakagalit dahil mukhang wala nang sinasanto ang China dahil hindi na lang Navy o Coast Guard ng bansa ang inaatake nila kundi pati na rin ang BFAR na nagsasagawa lang ng humanitarian mission para masuplayan ng diesel, pagkain, at medical supplies ang ating mga mangingisda.

Duda ang senador na mapagkakatiwalaan ang China dahil patuloy nitong binabali ang pormal na napag-usapan sa pagitan ng bansa.

Hinimok pa ng senador ang pamahalaan na patuloy lamang na ilaban ang soberenya ng bansa sa West Philippine Sea at itaguyod ang territorial integrity at ang ating karapatan sa Exclusive Economic Zone (EEZ).

Facebook Comments