Panibagong harassment ng China sa Philippine Air Force, kinokondena ng ilang senador

Iginiit ni Senate President pro-tempore Jinggoy Estrada na hindi katanggap-tanggap ang panibagong insidente ng harassment ng China sa bansa kung saan nagpakawala sila ng flare habang nagsasagawa ng maritime patrol sa Scarborough Shoal mula sa himpapawid ang ating Philippine Air Force.

Aniya, ang harassment na ito ng China ay tahasang paghamak sa soberenya ng bansa at paglabag sa international aviation safety standards gayundin sa karapatan ng lahat ng bansa na magsagawa ng maritime operations na naaayon sa batas.

Sinabi ni Estrada na binabalewala ng China ang mga pagsisikap ng Pilipinas para pahupain ang tensyon sa West Philippine Sea.


Magkagayunman, tiniyak ng senador na hindi kailanman magpapa-intimidate o magpapadaig ang bansa matapos umabot hanggang sa himpapawid na ang pambu-bully ng China.

Hinimok ni Estrada ang gobyerno ng China na patigilin ang aniya’y malinaw na pagsalakay sa bansa at sumunod sa itinatakda ng international law.

Facebook Comments