Panibagong insidente ng pangha-harass ng China, patunay na may merito ang ipinasang resolusyon ng Senado – Sen. Zubiri

Naniniwala si Senate President Juan Miguel Zubiri na pinagtibay lamang ng panibagong insidente ng pambu-bully ng China sa bansa ang merito ng resolusyong inaprubahan ng Senado.

Ito’y matapos harangin at bombahin ng tubig ng Chinese Coast Guard ang barko ng Philippine Coast Guard (PCG) na nag-e-escort sa mga chartered boats ng Armed Forces of the Philippines (AFP) na maghahatid sana ng pagkain, tubig, fuel at iba pang suplay sa mga tropa ng militar na nakaistasyon sa BRP Sierra Madre.

Ayon kay Zubiri, ang naturang insidente ay mas lalong nagpatibay na tama lang ang in-adopt na resolusyon ng Senado na mariing pagkundena sa patuloy na harassment at panghihimasok ng China sa West Philippine Sea.


Aniya pa, mas lalo rin itong nagbigay ng dahilan para hikayatin natin ang buong mundo na kundenahin ang mga aksyon ng China na walang lugar sa sibilisadong lipunan.

Panloloko na aniya ang ginagawa ng China dahil itinuturo nito ang pagkakasundo pero tila isang kaaway naman ang ipinapakita nito sa bansa.

Tanong tuloy ni Zubiri, bakit ang hirap mahalin ng China gayong bukas at gusto naman nating makipagkaibigan sa kanila.

Facebook Comments