Panibagong isyu ng overpriced na cameras ng DepEd, posibleng ipasilip sa Senate Blue Ribbon

Pinasisilip sa Senate Blue Ribbon Committee ang panibagong isyu ng overpriced na cameras na binili ng Department of Education (DepEd) noong 2019 kung hindi ito aaksyunan ng ahensya.

Ayon kay Senate Minority Leader Koko Pimentel, kung hindi aaksyunan ng DepEd ang panibagong isyu ng overpriced ay tiyak na aaksyon dito ang Blue Ribbon Committee ng Senado.

Naniniwala si Pimentel na mayroon nang ‘expertise’ ang Blue Ribbon sa pag-iimbestiga sa mga kaso ng overpricing lalo pa’t katatapos lamang ang ginawang pagsisiyasat ng nasabing komite sa outdated at overpriced na laptops na binili rin ng naturang kagawaran.


Paliwanag pa ng mambabatas, pinursige at itinuloy ng Blue Ribbon ang imbestigasyon sa overpriced na laptops dahil nakaramdam ang mga senador ng kawalang aksyon sa ehekutibo.

Sa kabilang banda ay hindi naman basta-basta kikilos ang Blue Ribbon Committee dahil bibigyan pa naman ng sapat na panahon ang DepEd para aksyunan ang report ng overpriced na biniling cameras.

Kamakailan, isang photojournalist ang nag-post ng larawan ng DSLR camera na Canon 1500D na may DepEd sticker at nakalagay doon ang acquisition cost na ₱155,929 pero ito ay maaaring mabili lang sa halagang ₱23,000 hanggang ₱33,000.

Facebook Comments