
Kinondena ng mga senador ang panibagong kaso ng hazing kung saan nasawi ang isang 19-anyos na marine student sa Cavite.
Giit ni Sherwin Gatchalian, nakakagalit na sa kabila ng malinaw na pagbabawal sa hazing ay patuloy pa rin ang ganitong uri ng karahasan.
Nanawagan si Gatchalian na agad panagutin at sampahan ng kaso ang lahat ng sangkot sa insidente.
Binigyang-diin naman ni Joel Villanueva na walang puwang sa lipunan ang anumang uri ng karahasan, lalo na ang hazing, at walang komunidad ang dapat kumunsinti sa ganitong insidente—lalo na kung nagreresulta ito sa maagang pagkamatay ng mga kabataan.
Dagdag ni Migz Zubiri, mahalagang tiyakin ng mga otoridad ang mahigpit na pagpapatupad ng Anti-Hazing Law.
Kinalampag din ni Jinggoy Estrada ang mga otoridad na mahigpit na ipatupad ang batas upang matiyak na wala nang pamilyang makakaranas ng ganitong trahedya.









