Ibinunyag ni Senator Risa Hontiveros ang human trafficking sa ilang mga kababayang Pilipino sa Cambodia para maging scammer ng cryptocurrency.
Ito ang panibagong natuklasan ng senadora ilang buwan lamang matapos na ibulgar din ni Hontiveros sa Senado ang kaparehong modus na bumibiktima sa mga Pilipino sa Myanmar.
Ayon kay Hontiveros, ang mga Pilipino na iligal na pinasok sa Cambodia ay pwersahang pinagtatrabaho ng isang Chinese mafia para mang-scam ng mga dayuhan gamit ang cryptocurrency.
Lumapit sa tanggapan ni Hontiveros ang isang Pinoy na nakauwi na sa bansa na si “Miles” para ihingi ng tulong ang mga kapwa Pilipinong naiwan sa Cambodia na pinagmamalupitan ng mafia.
Batay sa salaysay ni Miles, ang kanilang modus ay magpapadala ng wrong text message sa mga Amerikano at kapag nag-reply ay saka nila ito kakaibiganin at aayaing mag-invest sa cryptocurrency na isa palang scam.
Sinabi pa nito na kung noong una ay sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) siya idinaan, nito lamang umanong Disyembre ay sa Clark Airport na nagmumula ang mga biktima kung saan mayroon umanong immigration officer o agent na mag-a-assist sa kanila sa airport, walang dokumentong hihingiin, wala ring interview at diretso tatak ng pasahero.
Bagama’t hindi nakaranas ng pananakit ang nasabing biktima mula sa sindikato ay testigo naman siya sa ginawang pangunguryente sa isang kababayan at ang pananakit ay ginagawa kapag walang kliyenteng nabibiktima sa scam.