Tinawag ni Senator Christopher “Bong” Go na rehashed accusation ang panibagong plunder case na isinampa ni dating Senator Antonio Trillanes IV laban sa kanya at kay dating Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay sa maanomalyang pagbili ng Philippine Navy frigate.
Ayon kay Go, walang bago sa tinawag niyang “black propaganda” ni Trillanes na hindi na dapat pang pinapatulan dahil pag-aaksaya lamang ito ng panahon.
Tinukoy ni Go na mismong ang Senado noon sa ilalim ng Senate Committee on National Defense na pinamumunuan ni dating Senator Gringo Honasan ang nag-imbestiga sa isyu at wala namang napatunayang anomalya.
Ang mga dating opisyal aniya noon sa Department of National Defense (DND) at Armed Forces of the Philippines (AFP) ang nagpatunay na wala siyang kinalaman at kailanman ay hindi siya nakialam o nanghimasok sa Frigate Acquisition Project (FAP) ng Philippine Navy.
Itinuturing ni Go na destructive politics ang ginagawa ni Trillanes na para lamang sa pamumulitika.