Panibagong mga hinihinalang buto ng tao, narekober sa Taal Lake —DOJ

May mga naiaahon pa ring hinihinalang buto ng tao mula sa Taal Lake hanggang nitong mga nakalipas na araw.

Sa gitna ito ng nagpapatuloy na paghahanap sa mga labi ng mga nawawalang sabungero na sinasabing itinapon sa lawa ilang taon na ang nakalipas.

Ayon kay Atty. Polo Martinez, tagapagsalita ng Department of Justice (DOJ), may isang net at tatlong sako na nakuha mula sa lawa na naglalaman ng tatlong hinihinalang buto ng tao at itim na buhangin.

Itinurnover na sa Scene of the Crime Operatives (SOCO) ang mga narekober na buto at kasalukuyang nasa kustodiya ng Regional Forensic Unit team Cavite at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Batangas para sa dokumentasyon at karagdagang imbestigasyon.

Mula nang mag-umpisa ang pagsisid sa lawa noong kalagitnaan ng Hulyo, nasa daan-daang mga buto na ang nakuha kasama na ang 57 na panibagong naitala hanggang noong nakaraang linggo.

Facebook Comments