Panibagong oil price hike, kinondena ng PISTON

Kinondena ng ilang transport group ang serye ng bigtime oil price hike isang linggo lang matapos na aprubahan ang taas-pasahe sa mga pampublikong sasakyan.

Ayon kay PISTON president Mody Floranda, nawalan ng saysay ang pisong taas-pasahe sa jeep dahil binawi agad ito ng anim na pisong taas-presyo sa diesel noong Martes.

Katunayan, marami pa rin ang hindi nakakapaningil ng taas-pasahe dahil nasa 15% pa lamang ang nakakakuha ng fare matrix sa LTFRB.


Giit ni Floranda, ipinagtataka niya kung bakit nagpapatupad agad ng dagdag-presyo ang mga kumpanya ng langis gayong sa Nobyembre pa naman magbabawas ng produksyon ang Organization of Pretroleum Exporting Countries (OPEC).

Sa ngayon, nasa P400 hanggang P450 lamang aniya ang kinikita ng mga tsuper sa loob ng 12 hanggang 18 oras na pamamasada kada araw.

Kasabay nito, kinalampag ng grupo si Pangulong Bongbong Marcos na itulak ang pag-amyenda o pagbasura sa Oil Deregulation Law upang matigil ang anila’y tahasang panlilinlang ng mga kompanya ng langis.

Ipinanawagan din nila ang pagbawi sa Petron at pag-abolish sa fuel excise tax.

Facebook Comments