Panibagong pag-atake ng China sa mga mangingisda sa Escoda Shoal, kinondena ng ilang grupo

Mariing kinokondena ng Alyansa ng Bantay sa Kapayapaan at Demokrasya (ABKD) at Filipinos Do Not Yield (FDNY) Movement ang marahas na hakbang na ginawa ng China sa mga pilipinong mangingisda sa Escoda Shoal.

Nabatid na tatlong mangingisdang Pilipino ang nasugatan at nasira ang dalawang bangkang pangisda ng mga ito ng bombahin ng high-pressure water cannons at pagsasagawa ng mapanganib na pag-maniobra ng mga sasakyang pandagat ng Tsina.

Ayon kay Chairman Emeritus Dr. Jose Antonio Goitia, isa itong hayagang pananakit at sinadyang karahasan laban sa mga Pilipinong legal at payapang naghahanapbuhay sa sariling karagatan.

Aniya, hindi armado ang mga mangingisda at wala silang nilalabag na batas kung saan iginiit niya na hindi aksidente ang nangyari at planado ang hakbang upang manakot, manakit, at itaboy ang mga Pilipinong mangingisda

Sa kabila nito, agad na kumilos ang Philippine Coast Guard (PCG) upang sagipin ang mga nasugatang mangingisda, magbigay ng agarang tulong medikal, at tiyakin ang kanilang ligtas na pag-uwi sa kabila ng patuloy na panghaharang.

Muling sinabi ni Goitia na ang nangyari sa Escoda Shoal ay hindi maaaring ilagay sa hanay ng mga ordinaryong balita at agad kalimutan dahil ito ay malinaw na hamon sa dignidad at karapatan ng bawat Pilipino.

Facebook Comments